Tuesday, September 9, 2014
Sabong sa Mundo ng Internet
Hindi talaga maikakaila na nasa Internet Age na tayo ngayon. Sadyang kay bilis kumalat ng mga impormasyon. Konting type at click lang kasi ay makikita o mababasa na ito sa buong mundo. Isama pa natin ang napakahalagang papel na ginagampanan ng social media na nag-uugnay sa ating lahat. Siyempre, isa na sa mga nakikinabang sa internet ay ang bayang sabungero na di rin pahuhuli kung teknolohiya ang pag-uusapan.
Ang maganda sa magsasabong ay likas
na ang pagiging palakaibigan. Hindi lamang sa personal kundi pati na rin sa
internet. Halimbawa na lamang sa Facebook, kapag nakita nila na ang profile pic
mo ay may manok, asahan mo na marami ang mag-a-add sa iyo. Sinu-sino ba ang
magiging magkakaibigan sa Facebook kundi ‘yung mga may iisang interes lang?
Nagiging masigla tuloy ang usapan tungkol sa manok kapag may mga nagla-like,
nagku-comment at nagsi-share sa ipinost mo. Nagiging daan din ito para
mai-promote mo ang iyong mga manok o kung anumang produkto na meron ka na may
kinalaman sa sabong. Ito ay sa pamamagitan na rin ng simpleng pagpu-post o
paggawa ng fan page. Palibhasa ay mga naka-online palagi kaya mabilis na
nakasasagot ang bawat isa. Ang iba pa nga, nagiging magkaibigan pa sa personal
dahil lang sa Facebook.
Kung forum lang naman tungkol sa
manok ang hanap, nangunguna na riyan ang Sabong.Net na talaga namang
napakaraming miyembro at napakaaktibo nila. Halos lahat ng paksa na gusto mong
pag-usapan ay narito na. Kung baguhan ka pa lang sa pagmamanok ay marami kang
matututunan- mula breeding hanggang conditioning.
Dahil din sa internet ay mapapanood
mo na ang palabas sa sabong na nakaligtaan mong panoorin dahil abala ka sa iba
mo pang gawain. Saan pa ba puwedeng mapanood ito kundi sa You Tube! Wala na
yatang palabas sa TV na hindi ina-upload ngayon sa naturang site. Kung palabas
lang naman sa sabong ang pag-uusapan ay andyan ang Tukaan, Sabong TV, Bakbakan
na at iba pa.
Banggitin na rin natin na dahil sa
internet ay may mga live streaming na rin tayo ng sabong. Kaya kahit nasaan man
tayong sulok ng mundo ay nakakapanood na tayo ng sabong sa Pilipinas. Dahil
dito ay nawawala tuloy ang pagka-homesick ng mga kababayan natin na nasa ibang
bansa. Hindi naman sila makapagsabong sa bansa na kanilang kinaroroonan dahil
ito ay ipinagbabawal ng pamahalaan. Maliban na lamang kung di bawal ang sabong sa
kinalalagyan nila. Pero siyempre, iba pa rin ang sabong sa atin. Di ba’t
tayo ang nagsisilbing ‘capital of
cockfighting in the world’? Ilan lang sa nagpapalabas ng live streaming ay ang
Sabong Pinas Live, Sabong eXtreme, MySabong at iba pa.
Marami sa mga breeder at sabungero
ang nagbebenta ng manok sa internet gaya sa Sulit.com, AyosDito.com, Bentahan.com.ph
at iba pa. Maganda ang ganito dahil di na kailangan pang pumunta sa mismong
farm ng breeder. Lalo na’t kung napakalayo ng lugar. Magpapadala ka na lang ng
bayad sa pamamagitan ng money courier. Siyempre, sagot ng buyer ang shipping
cost. Ang di lang maganda sa ganitong sistema ay kapag hindi maganda ang manok
na ipinadala sa iyo. May mga nababasa kasi tayo na nagrereklamo na ang
ipinadala ng breeder ay di naman ang itinuro ng bumili. ‘Yung iba, mga reject
pa. Kumbaga may halo ng pandaraya o panloloko kapag ganito ang nangyari. Kaya
sa mga breeder na nagbebenta online, sana ay maging tapat tayo sa mga buyer. Kung
ano ang order nila ay ‘yun ang mismong ibigay. Kapag nandaya ay pangalan n’yo
rin naman ang masisira lalo na’t marami na ang nakakakilala sa inyo.
Ang isa pang di magandang ginagawa
ng iba ay ginagamit ang pangalan ng mga sikat na breeder. Hihingan ka nila ng
bayad pero wala naman silang ipinapadalang manok. Kaya’t mag-ingat tayo sa
ganitong modus. Ang ibang mga breeder ay may website kaya’t makabubuting
basahin ang impormasyon na nakasulat doon. Kung wala namang website, bumili lamang sa marami
nang testimonya na nabasa at di sa mga account na kaduda-duda. Bago
makipag-negosasyon ay alamin kung tunay o peke ba ang taong kausap. Dahil kung
hindi ay magsisisi na lang sa huli.
Base na rin sa mga nabanggit ay
napakaganda ng sa sabong sa mundo ng internet. Pero sana naman ay huwag itong
aabusuhin gaya ng ginagawa ng iba na mapagsamantala. Dahil ang isport na sabong
ay nalikha para makapagbigay ng kasiyahan at makatulong sa ating kabuhayan.
Kaya sana lang huwag gamitin ang sabong para makapaminsala ng ating kapwa.
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment