Sabong Ngayon

SABONG ONLINE MEDIA

Powered by Blogger.

Friday, November 10, 2017

Renegade Farm ni Rene Adao

No comments :

Ang farm ni Rene Adao ay matatagpuan sa San Luis, Batangas. Ang pinaka-foundation line niya ay ang manok na tinatawag niya na ‘Renegade’ o ang kanyang Kelso. Iniinfuse niya ito sa iba pa niyang bloodline gaya ng Sweater, Kelso, Grey at iba pa. Nasa 150 lang ang bilang ng kanyang mga manok. Mas importante kasi sa kanya ang quality kaysa quantity. Saka isa pa, nagpapabalik-balik siya sa Amerika kaya’t ‘di niya magawang magparama pa ng manok. Bukod sa farm sa Batangas ay may satellite farm din siya sa Tanay, Rizal kung saan ay ka-partner niya ang ilan sa kanyang mga kaibigan.

Nakilala siya nang husto sa kanilang lugar dahil nasasaksihan ng mga sabungero roon kung paano lumaro ang kanyang mga manok. Sumikat din siya nang makalaban niya si Patrick Antonio, tinalo niya ito sa pusta na 550 thousand pesos.

Pero hindi lang sa Batangas nakilala si Mr. Adao kundi pati na rin sa buong bansa. Ito ay matapos niyang masungkit ang kampeonato sa World Slasher Cup noong 2014.


Halina’t silipin natin ang farm ni Mr. Adao…

Thursday, November 13, 2014

Biboy Enriquez: Bangis ng Firebird Gamefarm

1 comment :
   
       Si Biboy “Leandro” Enriquez ay isa sa kinikilang mga alamat ng sabong sa Pilipinas. Dekada 60 pa lang ay nagmamanok na siya. Noong 70’s ay sumikat siya dahil sa kanyang Pyle chicken. Katulad ng ibang magmamanok, nagsimula lang din siya sa panunuod at pagsali sa mga hackfight. Pero hindi lang siya basta isang breeder dahil minsan ay naging promoter din siya ng sabong noon sa Teresa, Rizal.

          May mga nagtatanong, saan nga ba nakuha ni Biboy ang pangalan ng kanyang farm na Firebird? Ayon sa kanya, noong araw ay hanga siya sa entry name ni Don Amado Araneta na Thurderbird kaya’t naisip niya na ano kaya kung Firebird naman ang gamitin niyang pangalan sa kanyang farm. Bukod dito ay kinuha niya rin ito sa pangalan ng sikat na sport car ng Pontiac company. Siyempre, kung magpapangalan na lang din ng farm ay ‘yung may dating na.

          Sa umpisa ay nagpalahi ng manok si Biboy sa kanilang bakuran sa may Blueridge, Quezon City at saka sa Commonwealth Avenue. Pagkatapos ay nakapagtayo siya ng farm sa may Antipolo at kinalaunan ay lumipat sa Laguna hanggang sa naitayo niya ang kanyang 20 hektaryang farm sa may Sitio Dalawang Kawayan sa may Brgy. Tandang Kutyo. Nabili niya ang farm niyang ito dahil sa panalo niya sa sabong noong magkampeon siya sa may Roligon.

          Si Biboy ay dating hotelier, dati siyang nagmamay-ari ng Sulo Hotel na namana niya sa kanyang ina na nagtayo nito noong 1967. Nagpasya siyang ibenta ang hotel dahil ‘di na niya maharap pa ang responsibilidad. Mas pinili niyang maging isang fulltime breeder dahil mas nag-i-enjoy siya rito. Tingnan mo naman, sa edad na mahigit sisenta ay malakas pa rin ang kanyang pangangatawan. Machong-macho pa rin, ‘ika nga. Ito ay dahil na rin sa pagiging health concious niya. Pinipili na niyang mabuti kung ano ang kanyang kakainin. Mahilig siyang mag-exercise at nagsasagawa rin ng yoga. Maliban dito, naniniwala siyang malaki ang kontribusyon ng pagmamanok kung bakit nananatiling malusog ang kanyang pangangatawan. Bakit nga ba hindi? Eh, talaga namang  nakakapagpasigla ng ating katawan ang pagmamanok.             


          Kinikilala si Biboy bilang Kelso Man of the Philippines dahil mahuhusay ang manok niyang Kelso na nagmula kay Johnnie Jumper. Ikinirus niya ito sa Sweater at talaga namang naging maganda ang resulta. Siyempre pa, kilala rin ang kanyang linyada na tinatawag niyang Super Sweater na nagsisilbing signature line niya. Nakuha niya ang manok na ito mula kay Carol Nesmith. Mayroon din siyang High Action McLean, ikinurus niya ito sa Harold Brown line at ininfused niya sa Roundhead at Kelso. Mayroon din siyang Yellow Legged Hatch na nakuha naman niya kay Buddy Mann.

          Noong 2012 ay dinibelop ni Biboy ang kanyang manok na tinawag niyang Robie White, throwback ito ng Kelso. Hinango niya ang pangalan ng manok niyang ito mula sa kanyang farm manager na si Robie Yu Panis na kinikilang prinsesa ng tari sa Pilipinas. Wala diumano itong kuneksyon sa Amerikanong breeder na si Roby White taliwas sa sinasabi ng iba. Magkatunog lang ang kanilang pangalan, pero magkaiba ng spelling. Inilaban nila ang linyada ito sa pa-derby ng Laguna Gamefowl Breeders Association noong September 2012 at nakaiskor sila ng limang magkakasunod na panalo.


        Bilang isang beteranong magmamanok, marami na ring kampeonatong pinagdaanan si Biboy at ang pinakamalaki rito ay noong magkampeon siya sa World Slasher Cup noong 1994. Ginamit niya  rito ang kanyang Roundhead, Grey at Lemon. Nooong 2003 ay naging runner up siya, sa World Slasher Cup pa rin. Naging kampeon din siya sa 9-Cock International Derby ng United Cockers Association of the Philippines noong 2002.  Hanggang ngayon ngayon ay patuloy pa ring lumilikha ng ingay sa mundo ng sabong si Biboy dahil patuloy pa ring nagpapakita ng husay sa kanyang pagmamanok.                     

Tuesday, September 9, 2014

Sabong sa Mundo ng Internet

No comments :
           
                Hindi talaga maikakaila na nasa Internet Age na tayo ngayon. Sadyang kay bilis kumalat ng mga impormasyon. Konting type at click lang kasi ay makikita o mababasa na ito sa buong mundo. Isama pa natin ang napakahalagang papel na ginagampanan ng social media na nag-uugnay sa ating lahat. Siyempre, isa na sa mga nakikinabang sa internet ay ang bayang sabungero na di rin pahuhuli kung teknolohiya ang pag-uusapan.

           Ang maganda sa magsasabong ay likas na ang pagiging palakaibigan. Hindi lamang sa personal kundi pati na rin sa internet. Halimbawa na lamang sa Facebook, kapag nakita nila na ang profile pic mo ay may manok, asahan mo na marami ang mag-a-add sa iyo. Sinu-sino ba ang magiging magkakaibigan sa Facebook kundi ‘yung mga may iisang interes lang? Nagiging masigla tuloy ang usapan tungkol sa manok kapag may mga nagla-like, nagku-comment at nagsi-share sa ipinost mo. Nagiging daan din ito para mai-promote mo ang iyong mga manok o kung anumang produkto na meron ka na may kinalaman sa sabong. Ito ay sa pamamagitan na rin ng simpleng pagpu-post o paggawa ng fan page. Palibhasa ay mga naka-online palagi kaya mabilis na nakasasagot ang bawat isa. Ang iba pa nga, nagiging magkaibigan pa sa personal dahil lang sa Facebook.
           
            Kung forum lang naman tungkol sa manok ang hanap, nangunguna na riyan ang Sabong.Net na talaga namang napakaraming miyembro at napakaaktibo nila. Halos lahat ng paksa na gusto mong pag-usapan ay narito na. Kung baguhan ka pa lang sa pagmamanok ay marami kang matututunan- mula breeding hanggang conditioning.

            Dahil din sa internet ay mapapanood mo na ang palabas sa sabong na nakaligtaan mong panoorin dahil abala ka sa iba mo pang gawain. Saan pa ba puwedeng mapanood ito kundi sa You Tube! Wala na yatang palabas sa TV na hindi ina-upload ngayon sa naturang site. Kung palabas lang naman sa sabong ang pag-uusapan ay andyan ang Tukaan, Sabong TV, Bakbakan na at iba pa.

            Banggitin na rin natin na dahil sa internet ay may mga live streaming na rin tayo ng sabong. Kaya kahit nasaan man tayong sulok ng mundo ay nakakapanood na tayo ng sabong sa Pilipinas. Dahil dito ay nawawala tuloy ang pagka-homesick ng mga kababayan natin na nasa ibang bansa. Hindi naman sila makapagsabong sa bansa na kanilang kinaroroonan dahil ito ay ipinagbabawal ng pamahalaan. Maliban na lamang kung di bawal ang sabong sa kinalalagyan nila. Pero siyempre, iba pa rin ang sabong sa atin. Di ba’t tayo  ang nagsisilbing ‘capital of cockfighting in the world’? Ilan lang sa nagpapalabas ng live streaming ay ang Sabong Pinas Live, Sabong eXtreme, MySabong at iba pa.

            Marami sa mga breeder at sabungero ang nagbebenta ng manok sa internet gaya sa Sulit.com, AyosDito.com, Bentahan.com.ph at iba pa. Maganda ang ganito dahil di na kailangan pang pumunta sa mismong farm ng breeder. Lalo na’t kung napakalayo ng lugar. Magpapadala ka na lang ng bayad sa pamamagitan ng money courier. Siyempre, sagot ng buyer ang shipping cost. Ang di lang maganda sa ganitong sistema ay kapag hindi maganda ang manok na ipinadala sa iyo. May mga nababasa kasi tayo na nagrereklamo na ang ipinadala ng breeder ay di naman ang itinuro ng bumili. ‘Yung iba, mga reject pa. Kumbaga may halo ng pandaraya o panloloko kapag ganito ang nangyari. Kaya sa mga breeder na nagbebenta online, sana ay maging tapat tayo sa mga buyer. Kung ano ang order nila ay ‘yun ang mismong ibigay. Kapag nandaya ay pangalan n’yo rin naman ang masisira lalo na’t marami na ang nakakakilala sa inyo.

            Ang isa pang di magandang ginagawa ng iba ay ginagamit ang pangalan ng mga sikat na breeder. Hihingan ka nila ng bayad pero wala naman silang ipinapadalang manok. Kaya’t mag-ingat tayo sa ganitong modus. Ang ibang mga breeder ay may website kaya’t makabubuting basahin ang impormasyon na nakasulat doon.  Kung wala namang website, bumili lamang sa marami nang testimonya na nabasa at di sa mga account na kaduda-duda. Bago makipag-negosasyon ay alamin kung tunay o peke ba ang taong kausap. Dahil kung hindi ay magsisisi na lang sa huli.

            Base na rin sa mga nabanggit ay napakaganda ng sa sabong sa mundo ng internet. Pero sana naman ay huwag itong aabusuhin gaya ng ginagawa ng iba na mapagsamantala. Dahil ang isport na sabong ay nalikha para makapagbigay ng kasiyahan at makatulong sa ating kabuhayan. Kaya sana lang huwag gamitin ang sabong para makapaminsala ng ating kapwa.


           





Wednesday, August 13, 2014

World Gamefowl Expo, ang saya-saya!

No comments :
 
               Ang World Gamefowl Expo ay taunang isinasagawa , layunin ng event na ito na pagkaisahin ang mga gamefowl enthusiast, hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin ang mga dayuhan. Ito ay inuorganisa ng World Exco, sa pakikipagtulungan ng PitGames Media Inc. at ng mga sponsor. Taong 2010 nang unang  isagawa ang expo sa World Trade Center, Pasay City.

                Taun-taon ay palaki nang palaki ang expo. Isinasagawa ito sa loob ng tatlong araw. Noong una ay lagpas kalahating espasyo lang ang inukopa nito. Subali’t lumawak ito nang mga sumunod na taon hanggang sa ukopahin na nito ang buong WTC. Nagkaroon pa nga ito ng version sa Cebu noong 2013. Noon namang January 2014, sinabayan pa nila ito ng World Pigeon Expo. Kagaya ng sa manok ay naging matagumpay din ang expo ng kalapati. Ibig lang sabihin ay suportado talaga ito ng mga magmamanok. Kapag nasa expo ka ay ramdam mo na talaga namang napakalaki ng gamefowl industry sa Pilipinas. Wala kang suka’t kabigin ‘ika nga.

                Ang maganda sa expo, ito ang panahon kung saan nagkakasama-sama ang iba’t iba’t mga kumpanya para i-showcase ang kanilang mga produkto at serbisyo. Mapamalaki o maliit na kumpanya ay nabibigyan ng pagkakataon na makapag-promote. ‘Di naman nagkakaroon ng sapawan sa kanila dahil lahat sila ay dinudumog  ng mga tao. Sa kani-kaniyang mga gimik na lang siguro sila nagkakatalo.  Nagsasagawa sila ng seminar na talaga namang kapupulutan ng maraming kaalaman. Mayroon din silang mga pa-raffle ng manok at may mga palaro. Meron pa silang mga show sa stage kaya’t mai-entertain ka talaga. Andiyan pa ang mga naggagandahan nilang mga model na marahil ay magiging laman ng iyong panaginip. Pero guys, behave lang kapag nagpapa-picture at huwag masyadong dumikit at umakbay para ‘di mahalatang medyo gigil ka na sa kanilang beuties, hehe.

                Siyempre, panahon rin ang expo para makita mo ang iyong mga idol na mga kilalang breeder gaya nina Biboy Enriquez, Jimmy Mariquit, Art Lopez, Mayor Juancho Aguirre at iba pa. Sa pagkakataong ito, ‘di muna kailangang pumunta pa sa kanilang farm dahil dinala na nila ang kanilang manok sa World Trade Center. Bukod sa makakabili ka na ng kanilang manok, makakapagpa-picture ka pa sa kanila ‘di kaya’y magpa-authograph. Pero hindi lang mga popular breeders ang nandirito kundi meron ding mga aspiring breeders. Magaganda rin ang kanilang mga manok kaya’t puwede mo ring subukan.

              Sabi nga ng mga nakadalo na sa Expo, hindi lang taunan gawin ang expo. Kung maaari ay gawin nila ito ng dalawang beses sa loob ng isang taon o higit pa. Pero hindi naman ganun kadali itong gawin dahil mahabang panahon ang ginagawa nila ritong paghahanda. Bagama’t matagal ang paghihintay ay siguradong sulit naman. ‘Di po ba mga kasabong?